Binuhay muli ng Senado ang pagkakaroon ng Oversight Committee para mabusisi kung paano ginagastos ng ilang ahensya ng gobyerno ang alokasyon sa kanilang confidential at intelligence fund (CIF).
Lumutang ang pagbuo ng oversight committee para silipin ang paggamit sa CIF lalo’t maraming ahensya ang nabigyan ng alokasyon sa 2023 para sa confidential at intelligence fund tulad ng Office of the President (OP), Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Kaugnay rito ay inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Senate Resolution 302 kung saan ipinapanukala ang pagbuo ng Select Oversight Committee para maimbestigahan ang paggamit ng mga ahensya ng gobyerno sa kanilang CIF.
Ayon kay Zubiri, mula pa noong 10th Congress ay nakagawian na rin ng Senado ang pagbuo ng oversight committee para sa CIF at itutuloy nila ito ngayong 19th Congress.
Dagdag pa ni Zubiri, tungkulin nila bilang isang independent at demokratikong Senado na bantayan ang paggamit ng pondo ng national budget partikular sa mga itinuturing na ‘sensitive funds’ na hindi dumadaan sa auditing rules at procedures ng Commission on Audit (COA).
Sa panukalang oversight committee ito ay pangungunahan ng Senate president na bubuuhin ng tatlong miyembro mula sa mayorya at isang myembro mula sa minorya.
Sa 2023 General Appropriations Bill (GAB) ay may nakapaloob na P9.3 billion na CIF kung saan P4.3 billion ang confidential at P4.957 billion sa intelligence fund.