Pinaiimbestigahan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang mga hakbang ng gobyerno para maiwasan ang kakapusan sa suplay ng tubig sa Metro Manila at sa iba pang apektadong lugar ngayong panahon ng matinding tag-init/tag-tuyot.
Matatandaang ibinabala ng Metropolitan Waterworks and Sewerage Sytem (MWSS) ang posibilidad ng kakapusan sa supply ng tubig kung hindi magkakaroon ng pagtaas sa suplay sa gitna ng pag-angat ng demand ngayong summer season at ang babala rin ng PAGASA ng mas mahabang panahon ng El Niño.
Sa Senate Resolution 561 na inihain ni Villanueva, inaatasan ang kaukulang komite ng Senado para alamin ang mga pamamaraan, plano at mga programa ng pamahalaan para matugunan ang posibilidad ng water shortage ngayong taon.
Nakasaad sa resolusyon na bagama’t malayo pa sa ‘critical water level’ ang Angat Dam, iginiit na dapat na itong i-monitor ngayon pa lang upang hindi maulit ang naging sitwasyon noong nakaraang taon kung saan napabayaan na bumaba pa sa ‘below critical level’ ang tubig sa dam na nasa 176 meters.
Ang Angat dam ang nagsusuplay sa 98 percent ng tubig sa Metro Manila at irigasyon sa 25,000 ektaryang sakahan sa Bulacan at Pampanga.
Problema rin ang hanggang ngayon ay hindi pa rin nasisimulan ang pagtatayo ng Kaliwa dam na nakatakda na ulit sa June 2023 bunsod ng mga pagtutol mula sa iba’t ibang sektor dahil naman sa pangamba ng tuluyang pagkasira ng watershed forest reserve.
Ipinunto ni Villanueva na mahalagang matiyak kaagad ng pamahalaan ang kasalukuyang estado ng water supply sa bansa at masigurong sasapat ang suplay na ito sa mga taga-National Capital Region (NCR) at kalapit na lalawigan.