Bukas ang Senado na pondohan ang pagsasaayos sa BRP Sierra Madre, na nakaistasyon ngayon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, sang-ayon siya sa pag-refurbish o pagsasaayos sa BRP Sierra Madre hindi lang para itaboy ang mga bullies mula sa China kundi para maging handa tayo sa anumang kalamidad na maaaring maglagay sa ating Marines sa delikadong sitwasyon.
Aniya, kung hihiling ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Senado ng dagdag na budget para sa refurbishing at repair ng barko ay nakahanda ang mga senador na pondohan ito para sa ating mga matatapang na Navy at Marines.
Maging si opposition Senator Risa Hontiveros, ay suportado rin ang pagbibigay ng pondo para sa pagsasaayos ng BRP Sierra Madre.