Dismayado ang ilang mga senador sa hindi pagdalo ng mga matataas na opisyal ng gobyerno na pinahaharap sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Works patungkol sa matinding pagbaha at implementasyon ng mga flood control projects at master plan para solusyunan ang pagbaha.
Sa umpisa ng pagdinig ng Senado, nagpahayag ng pagkadismaya si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa hindi pagdalo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes, na aniya’y inuna ang meeting sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Pero, agad naman nakahabol sa pagdinig si Artes at humingi ng paumanhin sa mga senador sabay paliwanag na may nauna kasing schedule sa BIR.
Dismayado naman si Senator Imee Marcos sa hindi pagdalo ni Environment and Natural Resources Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, bagamat mayroon naman itong kinatawan na ipinadala habang hindi naman naimbitahan sa pagdinig ang mga kinatawan at opisyal mula sa Climate Change Commission, North Luzon Expressway (NLEX), San Miguel Contractors, at Bureau of Soils and Water Management.
Hiniling din ni Sen. Marcos na padaluhin sa susunod na imbestigasyon ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) para mabigyang linaw ang pondong inilipat sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa housing dahil nang ilapit niya ang kanyang mga kababayan na nasira ang mga tahanan dahil sa bagyo ay wala na raw ang pondo.
Giit ng mga senador, dapat ay nakaharap sa pagdinig ang mga opisyal ng mga nabanggit na ahensya at tanggapan lalo’t sila ang may direktang may concern sa mga proyektong ipinapatupad para solusyunan at tugunan ang pagbaha sa bansa.
Ang mga lugar nina Villanueva sa Bulacan at Marcos sa Ilocos ay ang mga lalawigan na matinding binaha matapos ang magkakasunod na pananalasa ng Bagyong Egay at Falcon at walang tigil na pag-ulan.
Bago naman magsimula ang pormal na pagdinig, ipinalabas ni Public Works Committee Chairman Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang video kung saan makikita ang mga lugar na lubog sa matinding pagbaha lalo na sa bahagi ng Bulacan.
Sinabi ni Revilla na ang problema ngayon sa pagbaha ay hindi na lang basta krisis kundi isa nang public emergency.
Tiniyak ni Revilla na hindi lang basta accountability ang layunin ng ginagawang pagsisiyasat ng Senado kundi ang pagkakaroon ng harmonious strategy para sa whole-of-government approach na pagresolba sa problema ng pagbaha.