Kukukwestyunin ng Senado ang ginawang pagbili ng Philippine Coast Guard (PCG) ng luxury car kahit ito ay mahigpit na ipinagbabawal ng gobyerno.
Matatandaang sa report ng Commission on Audit (COA) ay na-flag ang pagbili ng PCG ng six-cylinder Toyota Land Cruiser Prado na bulletproof pa na ang kabuuang halaga ay aabot ng mahigit P7 million.
Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, pagpapaliwanagin ng Senado ang PCG sa pagsalang ng ahensya sa budget hearing tungkol sa isyu ng pagbili ng luxury vehicle.
Sa susunod na buwan ay uumpisahang talakayin ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang pambansang pondo para sa taong 2024 at isa ang kontrobersyal na pagbili ng mamahaling sasakyan ng PCG sa kanilang bubusisiin.
Sinabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na sigurado siyang lalabas sa pagtatanong ng mga senador ang tungkol sa isyu ng PCG dahil karamihan naman sa mga itinatanong ng mga mambabatas ay ang report na lumabas sa COA.
Pinagsabihan naman ni Senator Sonny Angara ang mga ahensya at tanggapan sa gobyerno na dapat ay aware o alam nila ang mga administration issuances at mga polisiya ng pamahalaan sa pagbili ng mga sasakyan.