Senado, handa na sa pagbubukas ng sesyon ngayong umaga

Nakahanda na ang Senado para sa pagbubukas ng first regular session ng 20th Congress ngayong umaga.

Sa session hall ay naka-arrange na ang mga upuan ng mga senador kasama ang mga neophyte senator na nanalo noong halalan.

Ngayong umaga inaabangan ang pagbobotohan para sa bagong Senate President ng 20th Congress.

Matunog na mahigpit na maglalaban para sa pwesto ay ang kasalukuyang Senate President Chiz Escudero at ang nagbabalik na si Senator Tito Sotto.

Kung sinuman sa kanila ang matalo sa botohan ang siyang awtomatikong Minority Leader.

Pagkatapos nito ay magpapasa ng resolusyon ang mga senador para ipaabot sa Kamara na handa na sila para sa pagdaraos ng ikaapat na SONA ni Pangulong Bongbong Marcos mamayang hapon.

Samantala, naunang naglabas na ng utos sa Senado na walang red carpet walk para sa mga senador.

Sa tuwing magbubukas kasi ang bagong Kongreso ay nakasanayan na ang red carpet walk ng mga senador kasama ang kanilang asawa o pamilya.

Dahil sa mga naranasang pagbaha dulot ng bagyo at habagat at maraming naghihirap ngayon ay ginawang simple ng Mataas na Kapulungan ang pagbubukas ng sesyon.

Facebook Comments