Bukas si Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na bawasan ang confidential at intelligence fund (CIF) ng ilang ahensya ng gobyerno na mayroon nito.
Ayon kay Angara, ang pagtapyas sa alokasyon ng CIF ay nasa pagpapasya na ng Kongreso, kung kulang o sobra, at kung dapat bawasan ito.
Tiniyak ni Angara na lahat ng senador ang magbibigay ng desisyon sa CIF.
Aniya, karamihan naman ng may CIF ay iyong may confidential fund noon pa tulad ng Office of the President (OP) at Department of Justice (DOJ).
Inihalimbawa pa ng senador na noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi naman naging isyu ang confidential fund sa OP dahil nagamit naman sa pagpapanatili ng kapayapaan at katahimikan ng mga komunidad pero ngayong Marcos administration ay tila bigla na lamang ginagawang isyu ito.
Siniguro naman ni Angara na may itinatakdang limitasyon ang mga confidential at intel funds at kinakailangan ding magsumite ng report ‘quarterly’ sa Commission on Audit, Congress, at sa OP tungkol sa paano ito ginastos.