Nagpahayag si Senator Nancy Binay na hindi siya nag-aalinlangan na suportahan ang hakbang na tuluyang ipagbawal ang POGO o Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa.
Ayon kay Binay, kung hindi sulit ang kinikita ng bansa mula sa POGO at lalo lamang dumarami ang krimen na konektado sa POGO ay handa ang mga mambabatas na magpatibay ng batas para sa total ban ng POGO.
Tinukoy ni Binay ang mga police report na nag-uugnay sa POGO sa mga kidnapping, karahasan, pangingikil at kahit ang pagpatay sa mga POGO worker.
Umaasa ang senadora na sa gagawing imbestigasyon bukas ng Senado sa economic benefits ng POGO ay malalaman kung dapat pa bang ituloy ang operasyon ng mga ito.
Mahalaga aniya na mapag-aralan ang “pros at cons” ng operasyon ng POGO at timbangin kung talagang may silbi ito sa bansa.