Senado, handang makipagtulungan sa BIR tungkol sa posibleng tax evasion case ni suspended Bamban Mayor Alice Guo

Handa ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) tungkol sa posibleng tax evasion ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay Committee Chairperson Risa Hontiveros, hindi na siya nagulat na may kababalaghan din sa pagbabayad ng buwis ang alkalde dahil halos lahat ng mga dokumento na may pangalan ni Guo ay kwestyunable.

Mula aniya sa birth certificate hanggang sa SALN nito ay walang maayos na paliwanag si Guo kaya payo ni Hontiveros magsabi na ng katotohanan ang alkalde bago pa mahuli ang lahat.


Kasabay ng pagtiyak ng pakipagtutulungan ng kaniyang komite sa BIR ay nagpasalamat din ang senadora sa mga ahensya ng gobyerno sa inisyatibo para mapanagot ang mga may sala.

Samantala, sinabi naman ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian na minsan na rin nilang tinukoy sa pagdinig na ang deklaradong kita ng kumpanya ng pamilyang Guo ay hindi nagtutugma sa assets at investments ni Mayor Guo at ito ay isang indikasyon lamang na mayroong sources pa mula sa labas ang alkalde na hindi deklarado sa kaniyang tax returns.

Facebook Comments