Handa ang Senado na sagutin ang mga katanungan at mga isyung bumabalot sa Maharlika Investment Fund Act.
Ito ang binigyang diin ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa gitna na rin ng kautusan ng Korte Suprema na sagutin ng sangay ng ehekutibo at lehislatura ang petisyong nagpapadeklara sa MIF bilang unconstitutional.
Ayon kay Zubiri, welcome sa kanila ang utos ng Supreme Court na maghain na ng komento sa petisyon ang executive at legislative dahil ito naman ay bahagi ng judicial process.
Katunayan aniya ay inatasan na niya ang Senate Secretary na makipagugnayan sa Office of the Solicitor General kaugnay sa paghahanda at paghahain ng komento.
Igagalang din aniya nila sa Mataas na Kapulungan kung anuman ang kalalabasan o magiging desisyon dito ng kataas-taasanag hukuman.
Nanindigan naman si Zubiri na sumailalim ang Maharlika Investment Fund Act sa tamang legislative process at kumpyansang malalagpasan ng batas ang anumang pagbusisi ng hukuman at ito ay alinsunod sa saligang batas.