Senado, handang tumugon sakaling magpatawag ng special session ang Pangulo para matulungan ang mga OFWs sa Middle East

Manila, Philippines – Tiniyak ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na handa ang Senado na tumugon sakaling magpatawag ng special session si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay para makapagpasa ng supplemental budget na gagamitin sa pagtulong at paglilikas ng mga Pilipinong manggagawa sa Middle East sa harap ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Diin ni Zubiri, anumang oras ay handang magpulong ang mga senador para sa kapakanan ng mga manggagwang Pilipino sa ibayong dagat.


Ayon kay Zubiri, maari ding gamitin ng Pangulo ang bilyun bilyong pisong contingency fund ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Dagdag pa ni Zubiri, suportado din ng Senado ang plano ni Pangulong Duterte na pagbuo ng Crisis Committee na mangunguna sa mga hakbang para sa mga OFWs sakaling humantong sa giyera ang sigalot ng US at Iran.

Ikinatuwa ni Zubiri na agad umaaksyon ang Pangulo sa halip na hintayin ang magiging resulta ng krisis bago kumilos.

Facebook Comments