Senado, hangad ang matagumpay na official visit ng pangulo sa US sa susunod na linggo

Nagpaabot ng suporta si Senate President Juan Miguel Zubiri sa nakatakdang official visit ni Pangulong Bongbong Marcos sa Estados Unidos sa susunod na Linggo.

Hangad ni Zubiri ang matagumpay na misyon ng pangulo lalo na ang magiging pulong nito kay US President Joe Biden.

Ayon kay Zubiri, suportado niya ang pagsisikap ni Pangulong Marcos na mapalakas ang ugnayan at relasyon sa ating numero unong kaalyado at trading partner na bansa na US.


Sa panahon aniya na may mga nararanasang tensyon sa rehiyon, mahalaga aniyang tingnan ng Pilipinas ang mga kaibigan na mayroong kaparehong pagpapahalaga sa kalayaan at demokrasya gayundin sa paggalang sa soberenya ng bawat bansa.

Hiniling din ni Zubiri sa pangulo ang pagkakataong ito para ipaabot sa Estados Unidos ang “wish list” para sa modernisasyon ng ating hukbong sandatahang lakas, mula sa pagbili ng air defense systems, anti-ship missiles, drone capabilities, fighter jets, at mas malalaking patrol ships.

Makakatulong aniya ito para magkaroon ng matibay na defense posture ang bansa.

Maliban dito, kailangan din aniya na mapalakas ang economic ties sa ating mga treaty ally, at hilingin din sa Amerika na mag-invest ang kanilang mga kompanya sa Pilipinas lalo na ang mga US companies na aalis ng China at sa iba pang bansa na hindi matatag ang demokrasya.

Facebook Comments