Senado, hihintayin muna ang lagda ni Pangulong Duterte, bago suspendihin ang lisensya ng E-sabong

Hihintayin pa rin ng Senado at ng Philippine Gaming Corporation (PAGCOR) ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang pansamantalang suspensyon ng lisensya ng mga E-sabong.

Ito ay matapos lumagda ang 23 senador sa isang Senate resolution na layong isuspinde ito hangga’t hindi nareresolba ang kaso ng pagkawala ng aabot sa 31 sabungero.

Ngunit sinabi ni Senate Committee Chairman on Public Order and Dangerous Drugs Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa panayam ng RMN Manila na sumang-ayon si Duterte sa pagsuspinde muna ng mga e-sabong license base sa kanilang pag-uusap.


Mababatid na kinumpirma rin ni Senate President Tito Sotto III na aprubado ng pangulo ang naturang panukala.

Sa kabila nito, hihintayin na lang din nila ang pormal na pag-apruba ng punong ehekutibo na layong himukin ang mga may-ari ng e-sabong na makipagtulungan sa imbestigasyon kung saan inaasahang sisipot sa susunod na pagdinig ang E-sabong firm owner na si Atong Ang.

Facebook Comments