Hinamon ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang Senado na talakayin at pagtibayin na ang panukalang Department of Disaster Resilience (DDR) nang hindi na hinihintay ang bersyon ng Kamara.
Ang hamon ng kongresista ay kasunod na rin ng mga panawagan sa mas maraming disaster preparedness dahil sa magnitude 7.3 na lindol at mga aftershocks na naranasan sa Hilagang Luzon.
Ayon kay Salceda, maswerte pa dahil naging mabilis ang pamahalaan sa disaster response at preposition ng mga kinakailangang resources para agad na tugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng lindol subalit mas mainam aniya kung mas maiiwasan o maagapan ang epekto ng kalamidad.
Ito aniya ang dahilan kung kaya’t kailangan na ngayon ng isang pambansang ahensya na hindi lamang makikipag-ugnayan katulad sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kundi isang ahensya na magsasagawa ng sariling ‘resiliency activities’ upang makalikha ng mas ligtas na komunidad bago pa man tumama ang isang kalamidad.
Giit ni Salceda sa Senado na bumuo ng sariling bersyon ng DDR, talakayin, i-compromise at kung talagang naniniwalang hindi kailangan ng bansa ng nasabing ahensya ay i-reject ito sa pamamagitan ng pagboto sa komite o sa plenaryo.
Ito aniya ang ikatlong pagkakataon na isinusulong ang DDR mula pa kay dating Speakers Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at kay Senator Alan Peter Cayetano na matapos makalusot sa Kamara ay hindi na ito umusad sa Senado.