Para kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, useless o walang saysay kung kanilang uulitin ang pag-apela sa Malacañang para isuspinde muna ang operasyon ng online sabong o e-sabong.
Pahayag ni Sotto, makaraang magdesisyon ang Malacañang na hayaang magpatuloy ang operasyon ng e-sabong habang nag-iimbestiga ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkawala ng 34 na sabungero.
Ang pasya ng Malacañang ay kontra sa resolusyon na ipinasa ng Senado na naglalaman ng kanilang panawagan na suspindihin ang e-sabong operations habang walang linaw sa kinasapitan ng mga sabungerong naglaho.
Binanggit ni Sotto na kung dismayado sila sa desisyon ng Malacañang ay lalo namang dismayado ang pamilya ng mga biktima.
Tinuligsa rin ni Sotto na ipinasa pa ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Malacañang ang pinagdesisyon ukol sa operasyon ng e-sabong gayon man ay may kapangyarihan itong bawiin kahit pansamantala ang lisensya ng e-sabong operators.
Iginagalang naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang pasya ng Malacañang at umaasa siyang mabuti ang hahantungan nito.
Si Dela Rosa ang chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na siyang nagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa pagkawala ng mga indibidwal na may koneksyon e-sabong.