Walang balak ang Senate Blue Ribbon Committee na muling padaluhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng war on drugs.
Ayon kay Senate Minority Leader at Chairman ng subcommittee Koko Pimentel, sa pagkakataong ito ay hindi niya kinakitaan ng pangangailangan na paharapin ulit si dating Pangulong Duterte sa imbestigasyon ng Senado.
Sakali aniyang may senador ang mag-manifest na paharapin ang dating pangulo sa hearing ay saka lamang niya i-e-entertain ang ideya subalit sa ngayon ay wala namang senador ang nagpapahayag.
Sinabi pa ni Pimentel na hindi na dapat ipabawi ang pag-amin ni Duterte tulad ng pagtatayo ng death squad dahil inamin na niya ito sa mismong hearing.
Aniya pa, hayaan na lamang na manatili sa record ng Senado ang mga testimonya ng dating pangulo at bahala na ang mga eksperto sa criminal law na pag-aralan ito.
Samantala, bagama’t wala pang petsa, pinatitiyak ni Pimentel na makadadalo sina dating Police Colonel Royina Garma at dating National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Edilberto Leonardo tungkol sa pinairal na reward system sa drug war ng dating Duterte administration.