Senado, hinihinalang may clustered o grupong nasa likod ng “identity theft” tulad sa kaso nina Mayor Alice Guo at mga kapatid nito

Nangangamba si Senator Risa Hontiveros na mayroong grupo na nasa likod ng “identity theft” katulad sa kaso ni suspended Mayor Alice Leal Guo at ng mga kapatid nito.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, bukod kay Mayor Alice na may kapareho ng impormasyon pero magkaiba ang itsura, natuklasan din ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang kapatid ng alkalde na si Shiela Guo ay mayroon ding kapareho ng pangalan, petsa ng kaarawan at address ng tirahan.

Ayon kay Atty. Angelito Magno, Assistant Director for Information, Communication and Technology Service, tulad kina Mayor Alice at sa mga kapatid nito ay hindi rin nila ma-locate ang isa pang kapangalan na si Shiela Guo dahil sa non-existent din ang parehong address na nilagay nito na Kalantiaw Street.


Dagdag pa ni Magno, sinusuri na rin nila kung ang iba pang kapatid ni Mayor Alice tulad ni Wesley kung may kapareho ring impormasyon.

Samantala, iprinisinta ni Dactyloscopy Division Chief Dr. Alfredo Kahanding ang mga ginawang analysis sa fingerprints ni Mayor Alice sa Chinese na si Guo Hua Ping at si Wesley Guo sa Chinese na si Guo Xiang Dian.

Kinumpirma at ipinakita ni Kahanding sa Senado na mayroong 17 identical characteristics sa fingerprint matching nina Wesley at Guo Xiang Dian habang 18 naman ang identical characteristics sa fingerprints ni Mayor Alice kay Guo Hua Ping, lumalabas na iisang tao lamang ang mga ito.

Sinabi naman ni Special Investigator Edgardo Kawada ng NBI na pinuntahan nila ang iisang address na nakalagay sa mga birth certificate nina Alice, Shiela, Seimen at Wesley Guo na 138 Kalantiaw St., Project 8 Quezon City at hindi nag-e-exist ang address na ito.

Pinuntahan din ng mga awtoridad ang isa pang may Kalantiaw Street sa may Project 4 Quezon City at natuklasan na isang mag-asawa na 60 taon nang nakatira doon ang naninirahan at hindi kailanman nakilala sina Guo.

Facebook Comments