Hinimok ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Estados Unidos at iba pang mga bansang kaalyado ng Pilipinas na sumama sa resupply mission ng ating tropa sa Ayungin Shoal sa BRP Sierra Madre.
Kaugnay pa rin ito sa patuloy na harassment at pambubully ng China sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa palagay ng Senate President, posibleng itigil ng China ang kanilang pambubully sa ating mga tropa kung makikita nilang may kasama tayong kaalyadong bansa, lalo na’t kasing laki ng US, sa mga resupply mission.
Naniniwala rin ang senate leader na tinitimbang na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang hakbang na ito.
Aminado naman ang senador na bilang chief architect ng foreign policy ng Pilipinas ay siguruhin pa rin ni Pangulong Marcos na hindi mauuwi sa giyera laban sa China ang anumang hakbang ng ating bansa.
Sa kabilang banda, binigyang diin ni Zubiri na may pagkakataon aniya na kahit ayaw natin ng giyera ay dapat pa rin tayong maging handa sa anumang posibleng mangyari.