Iginiit ni Senator Jinggoy Estrada na papanagutin ang mga sangkot sa pagpapakalat ng fake news o mga peke at maling impormasyon.
Hirit ito ng senador kasunod ng naging resulta ng pinakahuling Pulse Asia survey kung saan lumitaw na halos 90% ng mga adult Filipino, ang naniniwalang malaking problema sa bansa ang paglaganap ng ‘fake news’.
Sinabi ni Estrada na nakakabahala na kabilang sa lumitaw na source ng “fake news” ang ilang media outlets at national level politicians.
Hindi aniya tama na hayaang lumaganap ang mga iresponsableng impormasyon dahil ito ay nagdudulot ng maling desisyon at opinyon sa ating mga kababayan.
Punto ni Estrada, hindi dapat abusuhin ang ibinibigay ng Konstitusyon na kalayaan sa pamamahayag.
Dahil dito, isinusulong ni Estrada ang Senate Bill 1296 na layong i-criminalize ang pagpapakalat ng ‘fake news’ para magkaroon na ng batas na poprotekta sa publiko mula sa mga maling impormasyon at manipulasyon sa online.