Senado, hiniling na ang pagpapa-subpoena laban kay Pastor Apollo Quiboloy

Hiniling na ni Senator Risa Hontiveros sa Senado ang pagpapa-subpoena sa founder at leader ng Kingdom of Jesus Christ na si Pastor Apollo Quiboloy na nahaharap ngayon sa mga reklamo ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa mga kababaihan at kabataan sa loob ng religious group.

Ayon kay Hontiveros, nag-request na siya ng subpoena para mapilitang paharapin si Quiboloy sa imbestigasyon ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa susunod na linggo patungkol sa mga kaso ng human trafficking, sexual abuse, pananakit at mga pang-aabuso sa mga miyembro ng sekta.

Ang hiling sa subpoena kay Quiboloy ay agad niyang sinundan ng follow-up na formal letter sa tanggapan ni Senate President Juan Miguel Zubiri.


Hamon naman ni Hontiveros kay Quiboloy, kung wala itong itinatago na parang kriminal ay kusa na itong magpakita sa pagdinig na gaganapin sa Lunes.

Sakali mang hindi pa rin dumalo ang pastor ay tuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon dahil may mga second batch ng mga testigo na haharap sa pagdinig.

Paalala pa ng senadora kay Quiboloy na kilalang malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa iba pang matataas na opisyal sa bansa na ‘no one is above the law’ kahit pa kadikit siya ng mga pinakama-impluwensya at pinakamataas na opisyal ng bansa.

Facebook Comments