Hiniling ng ilang mga senador sa gobyerno partikular sa mga maritime authorities na pag-ibayuhin ang edukasyon at pagsasanay ng mga Filipino seafarers sa bansa.
Ito ang apela ng ilang mga mambabatas sa desisyon ng European Union (EU) na patuloy na kilalanin pa rin ang certificate na iniisyu sa mga Filipino seafarers matapos ang higit isang taong paghihintay.
Ikinalugod nina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senator Grace Poe ang magandang balita na patuloy na pagkilala ng EU sa ating mga marino dahil nakasisiguro pa rin ang hanapbuhay sa 50,000 Filipino masters at officers na kasalukuyang naglalayag sa mga European shipping industry.
Sinabi ni Villanueva na dahil sa pasyang ito ng EU ay tiwala siyang ipagpapatuloy ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang mga hakbang para mapaghusay pa ang kakayahan ng mga seafarers sa patuloy na pagtalima sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW).
Pinakikilos naman ni Poe ang gobyerno katuwang ang pribadong sektor na paigtingin pa ang mga efforts o pamamaraan para itaas ang kalidad ng mga pagsasanay at tugunan ang mga isyung inilapit ng European Maritime Safety Agency tungkol sa mga Pinoy seafarers.
Para kay Poe, ang magandang kalidad ng maritime education na ibinibigay sa ating mga seafarers ay titiyak sa kaligtasan ng mga byahero at nagbibigay garantiya sa magandang kinabukasan ng mga Filipino seafarers.