Senado, hiniling na sa mga korte na padaluhin sa imbestigasyon si Pastor Apollo Quiboloy

Humiling na ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa Pasig Court at sa Quezon City Court na padaluhin si Pastor Apollo Quiboloy sa pagdinig ukol sa mga reklamo at kaso ng pang-aabuso sa mga miyembrong kababaihan at kabataan ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Nagpadala na ng liham si Senate Committee Chairperson Risa Hontiveros kay Judge Elma Rafallo-Lingan ng Pasig City RTC Branch 159 at kay Judge Noel Parel ng QC RTC Branch 106 at hinihiling na payagang makadalo sa imbestigasyon ng Senado sa October 23.

Kasama rin sa pinadadalo ng Senado ang mga kapwa akusado ni Quiboloy sa mga kaso ng human-trafficking at sexual abuse na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada, at Sylvia Cemañes na mga nakabilanggo rin ngayon.


Ipinaliwanag naman sa sulat na nag-isyu ang Senado ng warrant of arrest laban kay Quiboloy at sa mga kapwa akusado dahil sa hindi pagdalo ng mga ito sa mga pagdinig ng mataas na kapulungan sa kabila ng mga abiso.

Ang dalawang korte naman sa Pasig at Quezon City ang nagpalabas ng warrant of arrest laban kay Quiboloy na dahilan naman ng pagkakabilanggo nito.

Facebook Comments