Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa Bureau of Corrections (BuCor) na mahigpit na ipatupad ang batas at mga polisiya partikular na sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
Kasabay nito ang pagpapakilos ng senador sa Philippine National Police (PNP) at sa Department of Justice (DOJ) na silipin ang pagpapatupad ng BuCor sa security protocols sa loob ng bilangguan.
Dapat aniyang tiyakin na walang nakakapuslit na mga bagay o gadgets na maaaring gamitin ng mga bilanggo para maipagpatuloy ang mga krimen sa labas ng kulungan.
Dismayado ang senador, dahil paulit-ulit na ring pinaalalahanan ang BuCor maski sa mga nakaraang imbestigasyon na mahigpit na ipatupad ang mga alituntunin sa Bilibid pero hanggang ngayon ay nakakalusot pa rin ang mga iligal na gawain.
Nilinaw naman ni Go na hindi naman pakikialaman ang paraan ng pagpapatakbo sa loob ng BuCor ngunit sana ay gawin ng pamunuan ang tama.
Matatandaang ibinulgar ng sumukong ‘hitman’ sa murder case sa broadcaster na si Percy Lapid na mula sa loob ng Bilibid ang nag-utos na patayin ang mamamahayag.