Hinikayat ni Senator Grace Poe ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na iprayoridad ang inter-regional connectivity projects sa bansa.
Ginawa ng senadora ang apela sa gitna ng confirmation hearing ni DPWH Secretary Manuel Bonoan.
Naniniwala si Poe na ang mga imprastrakturang magdudugtong sa mga rehiyon ay magiging daan para sa mabilis na pagbyahe at makatutulong para maibaba ang presyo ng mga ibinabyaheng produkto.
Ayon kay Poe, ang pagkakaroon ng ‘road network’ ng isang archipelago na bansa tulad ng Pilipinas na may mahigit 7,000 na isla ay mahalaga para sa mabilis na pagta-transport ng mga tao at mga produkto sa pagitan ng mga pulu-pulong probinsya.
Kung magkakaroon aniya ng imprastraktura na magli-link sa mga rehiyon ay makakapagpataas ito sa economic activities na magiging daan sa pag-unlad ng mga rehiyon.
Tugon naman ni Bonoan, nakalinya na sa mga proyekto ng DPWH ang ilang “inter-island connectivity projects” tulad ng Iloilo-Guimaras network, Guimaras-Pulupandan Negros project, Cavite-Mariveles bridging project, at Panguil Bay Bridge na magdudugtong naman sa Lanao del Norte at Misamis Occidental.