Umapela si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa ating mga law enforcers, na gamitin ang lahat ng resources sa pagtugis sa mga suspek sa nangyaring pambobomba sa Marawi State University (MSU).
Kasunod na rin ito ng pagkakaaresto ng mga awtoridad kay Jafar Gamo Sultan, na itinuturong kasabwat ni alyas ‘Omar’ na nagdala ng bomba sa Dimaporo Gymnasium.
Matibay ang paniniwala ni Dela Rosa, Chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na hindi lang kagagawan ng iisang tao ang madugong karahasan sa Marawi.
Kinakailangan aniyang gamitin ng ating mga sundalo at militar ang lahat ng resources para sa ganap na ikaaaresto ng iba pang mga suspek lalo’t may naunang dalawa natukoy ang mga awtoridad na sina Kadapi Membisa na alyas “Engineer” at Arsani Membisa alyas “Khatab”, “Hatab” at “Lapitos” na sinasabing mga miyembro ng Daulah Islamiyah-Maute.
Pinuri naman ni Dela Rosa ang Task Force Marawi ng militar at ang Marawi City Police, sa pagkakadakip ng mga ito sa isang suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng AFP.