Senado, humihingi ng tulong sa IATF sa pagbili ng COVID-19 vaccines para sa mga empleyado nito

Inihayag ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na humihingi ng tulong ang Senado sa Inter-Agency Task Force (IATF) para makabili ng 5,000 doses ng COVID-19 vaccines para sa 2,500 na mga empleyado at staff.

Punto ni Zubiri, may mga report na may mga opisyal ng barangay ang nabakunahan na kaya makatwirang mabigyan na rin nito ang empleyado ng Senado na maituturing ding frontliners.

Paliwanag ni Zubiri, malaki ang kontribusyon ng mga nasa Senado sa pagpasa ng mga batas na tumutugon sa pandemya tulad ng Bayanihan 1 at 2.


Dagdag pa ni Zubiri, marami ng empleyado ng Senado ang nahawa ng COVID-19 at kailangan silang mabakunahan lalo’t malapit na ang pagtalakay sa pambansang budget kung saan marami ang nagpupunta sa Senado.

Binanggit naman ni Senate President Vicente Sotto III, na nakausap na ng Senate Secretariat ang Gamaleya na gumagawa ng Sputnik V vaccines at pumayag na silang maglaan ng bakuna pero ang problema wala pa ring aksyon ang IATF.

Facebook Comments