Humiling na ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso ng briefing sa mga otoridad hinggil sa pambobomba sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City kung saan apat ang nasawi at mahigit 40 ang sugatan.
Pinadadalo ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa executive session ng Senado sa Miyerkules ang Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, National Intelligence and Coordinating Agency at ang National Security Adviser.
Umapela si Zubiri sa DND at sa lahat ng law enforcement agencies na agad tugisin at papanagutin ang nasa likod ng pagpapasabog at i-brief sila sa sitwasyon.
Nanawagan din ang Senate President sa Bangsamoro Government na makipagtulungan na sa pamahalaan para hanapin ang mga itinuturing na balasubas at walang hiya.
Pinakikilos din ng senador ang Bureau of Immigration (BI) sakaling dayuhan man ang nasa likod ng pagatake gayundin ang lahat ng assets at intelligence officers ng gobyerno para mapanagot ang mga salarin.