Senado, humingi ng paumanhin sa matinding traffic na maaaring idulot ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum

Humihingi ng paumanhin si Senate President Juan Miguel Zubiri sa abala na maaaring idulot sa mga motorista ng isasagawang 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF) ngayong araw.

Kaugnay na rin ito sa mabigat na daloy ng trapiko bunsod ng ilang daan na mga foreign delegates na naririto ngayon sa bansa na tatagal hanggang sa Sabado.

Ayon kay Zubiri, maaaring magdulot ng mabigat na trapiko ang event na ito sa bansa partikular na sa mga lugar na pagdarausan ng APPF tulad sa Pasay, Makati, BGC Taguig, at sa Maynila.


Aniya, dahil naririto sa bansa ang mga member parliaments ay huwag sanang magtaka ang publiko kung bakit maraming wang-wang, escorts, mga bus at sasakyan sabay hingi ng pang-unawa at paumanhin sa abala na maaaring idulot nito.

Ang APPF ngayong taon na may temang, “Building Resilient Partnerships: Advancing Peace, Prosperity, and Sustainability in the Asia Pacific” ay dadaluhan nasa 273 foreign delegates mula sa 18 na bansa mula sa South East Asia, Oceana, North Asia, at America.

Si Zubiri na keynote speaker ang Chairman ng Executive Committee at ng 31st Annual Meeting ng APPF katuwang si Speaker Martin Romualdez na Co-Chairman.

Sina Senator Ronald Bato dela Rosa at Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., ang siya namang tatayong head ng delegasyon ng Pilipinas.

Ito naman ang ikalawang pagkakataon na magho-host ang Pilipinas ng APPF mula noong 1994.

Facebook Comments