
Tinanggihan ng Senado ang isinumiteng petisyon ng Kamara na humihiling sa Mataas na Kapulungan na isyuhan na ng “writ of summons” si Vice President Sara Duterte para pasagutin ang impeachment case laban sa kanya.
Paliwanag ni Senate President Francis Escudero, hindi legal ang pag-oobliga kay VP Duterte na sagutin ang impeachment case laban sa kanya dahil walang sesyon ang Senado.
Giit ni Escudero, magagawa lamang iyan kung may sesyon ang Kongreso at dapat munang mag-convene ang Senado bilang impeachment court gayundin ay dapat maiprisinta muna ang articles of impeachment sa plenaryo.
Malinaw rin aniya ang pagkakaiba ng pagsasagawa ng mga pagdinig habang naka-session break sa impeachment proceedings na dapat ikasa kapag may sesyon.
Sinabi ng Senate president na hindi na kailangang i-memorize ito at dapat alam na ito ng mga kongresistang naghain ng petisyon.
Dagdag pa ni Escudero, kahit karapatan naman ng Kamara na maghain ng petisyon, hindi niya pa rin ito susundin at gagawin dahil iligal ito.
Huling payo ng senador, mas mabuti nang mag-ingat at sumunod sa batas sa halip na gawin ang experimental procedures na sa huli ay pwedeng gamitin laban sa kanila.