Senado, ibinida sa pagsasara ng session ang mga naging ambag sa pagtugon ng bansa sa pandemya

Sa kaniyang sine die adjournment speech ay ipinagmalaki ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na sa kabila ng agam-agam sa pagbubukas ng session noong nakaraang taon ay hindi nawalan ng loob ang Senado at sa halip ay mabilis na umaksyon sa pagpapasa ng mga kinakailangang batas para matugunan ang epekto ng COVID-19 pandemic.

Binanggit ni SP Sotto na kabilang sa mga batas na naipasa ay ang Bayanihan 1 & 2, gayundin ang mga batas para sa pagpopondo at agarang pagbili ng bakuna at paglalahad ng pamamaraan at proseso sa vaccine rollout.

Tinukoy ni SP Sotto ang ipinasang Financial Institutions Strategic Transfer o FIST Act, Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE act, Doktor Para sa Bayan Act, at mga local bill para sa paglikha ng eskwelahan, ospital at pagdagdag ng hospital bed capacity sa iba’t ibang pagamutan sa bansa.


Hinikayat din ni SP Sotto ang lahat na makiisa sa pagbabakuna laban sa COVID-19 na aniya’y susi sa lubos na pagbubukas ng ekonomiya

Nakiusap din si SP Sotto sa lahat na patuloy na magtutulungan at magkakasamang harapin ang pandemya at bumangon na mas malakas at mas matatag.

Facebook Comments