Nilinaw ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na may sapat na pondo na inilaan ang Kongreso sa ilalim ng 2023 national budget para maipagpatuloy ang “Libreng Sakay program” ng pamahalaan.
Sinabi ni Angara na bagama’t sa naunang 2023 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Malacañang sa Kongreso ay walang alokasyon para sa Libreng Sakay o PUV Service Contracting program ng Department of Transportation (DOTr), nilagyan pa rin nilang mga mambabatas sa pinal na 2023 General Appropriations Act (GAA) ng pondo ang nasabing programa.
Sa inisyatibo na rin aniya ng Kongreso, ₱2.16 billion ang inilagay na alokasyon para sa Libreng Sakay na nakapaloob sa 2023 budget.
Sa halagang ito, ₱1.285 billion ang programmed appropriations o tiyak na may pondo na habang ₱875 million naman ang unprogrammed o hahanapan pa ng budget.
Kinikilala aniya ng Kongreso na libu-libong mga commuter ang nabenepisyuhan ng Libreng Sakay program mula nang magsimula ang pandemya at ito ay itutuloy sa susunod na taon.
Batid ng senador na matindi ang pagnanais ng mga commuter na maipagpatuloy ang programa lalo’t malaking tulong ito para maibsan ang mataas na presyo ng mga bilihin at iba pang pangangailangan.