Senado, iimbestigahan ang lumalalang oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress

Magkakasa na ng pagdinig ang Senado kaugnay sa pinsala na dala ng oil spill mula sa lumubog na oil tanker na MT Princess Empress na may kargang 800,000 litro ng langis.

Sa Senate Resolution 537 na inihain ni Senator Cynthia Villar, inaatasan ang Committee on Environment na pinamumunuan ng senadora para imbestigahan ang tumitinding pagkalat ng langis mula sa lumubog na barko.

Pinasisilip ni Villar kung ano ang mga dapat at kailangang gawin para mapigilan ang lumalawak na oil spill.


Ipabubusisi ang pag-iral ng batas Oil Pollution Compensation Act of 2007 o RA 9483 na naguutos na papanagutin ang mga magdudulot ng pinsala dahil sa oil pollution at naguutos na bigyan agad ng kompensasyon o kabayaran ang mga maaapektuhan.

Nakasaad sa resolusyon na kung hindi maaagapan ay maaaring maapektuhan o masira rito ang lagpas sa 36,000 ektaryang coral reefs, mangroves at seagrass sa karagatan ng Mindoro Oriental at Occidental, Palawan at Antique.

Nanganganib din na masira ang marine biodiversity sa Verde Island Passage na tirahan ng iba’t ibang marine species.

Bukod sa pagkasira sa kalikasan ay banta rin ito sa kalusugan at kabuhayan ng mga mamamayan sa mga apektadong lugar.

Facebook Comments