Senado, iimbestigahan na rin ang naglipanang mga Chinese students sa Cagayan

Maghahain ng resolusyon si Senator Risa Hontiveros para maimbestigahan ng Senado ang napaulat na ilang mga dayuhang estudyante na nagbabayad ng milyon-milyong pisong halaga kapalit ng diploma.

Kaugnay na rin ito sa ibinulgar ni UP Professor Chester Cabalza na ilang mga Chinese students sa lalawigan ng Cagayan ang nagbayad ng P2 million kapalit ng diploma kahit mga hindi naman pumapasok sa unibersidad.

Ayon kay Hontiveros, maliban sa paglabag sa proseso ng Immigration ay dapat na silipin ng Senado ang napaulat na presensya ng mga Chinese nationals sa paligid ng EDCA sites at kung may kinalaman ito sa napaulat na pagdami ng Chinese students.


Ang lalawigan ng Cagayan ay isa sa mga piniling EDCA sites kung saan napaulat din ang paglobo ng bilang ng mga Chinese students na nag-aaral doon.

Giit ng mambabatas, isa itong national security concern na dapat agad na maimbestigahan.

Naghihinala rin si Hontiveros kung ang paglaganap ng mga Chinese students sa Cagayan ay panibagong kabanata ba ng pastillas scam na kung saan ang visa upon arrival at iba pang proseso ng Immigration ay naabuso dahil nakapasok sa bansa ang mga iligal na Chinese nationals na nagtatrabaho sa POGO.

Facebook Comments