Welcome para kay Senator Risa Hontiveros ang kautusan ni Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isyu ng bagong human trafficking scheme na nangyayari sa bansa.
Nabusisi kamakailan sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang binansagang ‘Pastillas 2’ kung saan ang mga biktima ng bagong modus ay kadalasang nagagamit ng mga sindikato sa pang-i-scam sa ibang bansa gaya ng Myanmar.
Ayon kay Hontiveros, ang DOJ bilang lead convenor ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), ang siyang tamang manguna sa pag-iimbestiga ng mga kaso ng mga Pinoy na nabibiktima ng mga ganitong sindikato.
Pinunto ng senadora na dati na niyang nakatrabaho ang NBI pagdating sa paglalantad ng mga taong sangkot sa pastillas scam.
Kaya naman umaasa ang senadora na magkakaroon ng magandang resulta ang pagtutulungan ng DOJ at Senado sa pagsugpo sa bagong modus ng human trafficking.