Inirekomenda ni Basic Education Committee Chairman Sherwin Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na tutukan ang pagkatuto ng mga estudyante sa Mathematics at Reading.
Ito ang naging suhestyon ng mambabatas dahil malabo pa sa ngayon na mapondohan ng buo ang pagpapagawa ng mga dagdag na classrooms sa buong bansa na mangangailangan ng P430 billion na budget.
Pinagko-concentrate ni Gatchalian ang DepEd sa pagbasa at pagbibilang ng mga estudyante lalo’t lumabas sa mga pag-aaral na halos 90% ng mga batang edad sampung taong gulang ang hindi pa marunong bumasa.
Ani Gatchalian, kung hindi marunong magbasa ang isang estudyante ay tiyak na hindi rin ito marunong magbilang.
Pinababawasan din ang mga competencies o iyong mga pinagaaralan na mga subject ng mga bata nang sa gayon ay makatutok ang mga estudyante sa Math at Reading.
Dagdag ni Gatchalian, binuo na ang isang Education Commission (EdCom) na siyang tutugon sa problema sa ‘learning crisis’ sa bansa at magsasagawa ng pag-aaral partikular na sa curriculum sa K-12 program.