Hiniling ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe sa mga telecommunications companies na magpadala ng abiso sa mga subscribers patungkol sa pagsisimula ng SIM registration.
Una nang inanunsyo sa publiko ng National Telecommunications Commission (NTC) na maghanda na para sa pagsisimula ng SIM registration dalawang araw matapos ang araw ng pasko o sa Disyembre 27.
Iminungkahi naman ni Poe sa mga telcos na magpadala ng text alerts para maipaalam sa mga subscribers ang tungkol sa SIM registration.
Ito aniya ay para maging malinaw ang panuntunan kung paano at saan magparehistro ng mga SIM.
Umaasa si Poe na sa pamamagitan ng bagong batas na ito ay matutugunan na ang problema sa laganap na text scams.
Tiniyak naman ng senadora na babantayan nilang mabuti sa Senado, kung paano mahahadlangan ng bagong batas na ito ang mga kriminal.