Senado, inadopt ang desisyon ng Kamara na bawasan ang confidential at intelligence fund sa ilalim ng 2024 budget

Inadopt ng Senado ang desisyon ng Kamara na bawasan ang confidential and intelligence fund (CIF) sa ilalim ng 2024 national budget.

Sa budget deliberation sa plenaryo ng Senado, sinabi ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na inadopt ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa kanilang committee report ang rekomendasyon ng Kamara na tapyasan ang CIF.

Ayon kay Angara, mula sa orihinal na P10.1 billion na CIF sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program (NEP), bumaba sa P9.82 billion ang CIF sa ilalim ng pambansang pondo sa susunod na taon.


Sinabi ng senador na tinatayang nasa 300 million din ang ibinawas sa CIF kung saan ang ilang civilian agencies ay tinanggalan ng confidential fund habang ang iba naman ay inilipat lamang sa ibang law enforcement agency na nagpapatupad ng security at safeguarding sa bansa.

Natanong kasi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na kung halos P300 million lang ang nabawas sa CIF, ay saan naman napunta ang P500 million na confidential fund na unang hiniling ng Office of the Vice President (OVP).

Tugon ni Angara, ito ay ni-realign sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council (NSC), Philippine Coast Guard (PCG) at sa iba pang ahensyang may kinalaman sa security at intelligence.

Dagdag pa ni Angara, bagama’t naririyan pa rin ang item ito ay inilipat na at wala na sa parehong ahensyang unang binigyan ng confidential fund.

Facebook Comments