Umaasa si Senator Grace Poe na sasamantalahin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang moratorium period sa ban sa pagbebenta ng pink salmon at pampano sa mga pamilihan para maisaayos ang mga polisiya sa importasyon ng isda at pagsusulong ng local fishing sector.
Ayon kay Poe, inaasahan niya na gagamitin ng BFAR at ilang kaukulang ahensya ng gobyerno ang nasabing moratorium para maiwasto at marepaso ang mga umiiral na polisiya na titiyak sa ligtas at patas na importasyon at pagpapalakas sa industriya ng lokal na pangingisda.
Paliwanag ni Poe, ang pagkakaroon ng maayos na polisiya ang magpapalakas sa pangingisda ng bansa na magiging daan para maibsan ang pinsalang dulot nito sa mga ordinaryong Pilipino.
Welcome rin para sa senadora ang ipinatupad ng BFAR na pagpapaliban sa pagbabawal ng pagbebenta ng pink salmon at pampano sa mga palengke at supermarkets.
Ang naturang ban aniya ay nagdudulot ng diskriminasyon sa ating local fish retailers na naghahanapbuhay lamang gayundin sa mga ordinaryong consumers na dapat ay malayang nakakapamili ng mga isdang kanilang nais bilhin.