Inanunsyo ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa gitna ng pagdinig ng Senado sa West Philippine Sea ang magandang balita na nagkakaisa ang mga senador na madagdagan ng bilyun-bilyong pisong pondo ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Zubiri, ‘one and united’ ang mga senador mapa-mayorya o minorya man na dagdagan ng pondo sa 2024 budget ang hukbong sandatahan.
Sinabi pa ni Zubiri na hiwalay din siyang makikipag-usap sa Philippine Coast Guard, Navy, Army, at sa buong Armed Forces para sa kanilang “wish list” upang matulungan pa sila sa kanilang operasyon.
Giit ng senador, ginagawa lamang ng mga mambabatas ang kanilang trabaho at nararapat lamang na mabigyan ng dagdag na pondo ang hukbong sandatahan ng bansa.
Samantala, pinangakuan din ni Zubiri na mabigyan ng dagdag na pondo ang Kalayaan Islands na palaging tinatambayan ng mga barko ng China.
Tiniyak ng senador na ang ilalaan na pondo ay gagamitin para sa pagtatayo ng mga pasilidad na kailangan ng mga residente sa Kalayaan tulad ng birthing centers, mga silid aralan at munisipyo.
Dagdag pa ni Zubiri, nais ng Mataas na Kapulungan na maramdaman ng mga residente sa West Philippine Sea na sila ay bahagi ng Republika ng Pilipinas.