Senado, iniimbestigahan na ang pagkamatay sa hazing ng Adamson University student na si John Salilig; pito sa mga sumukong frat member ng Tau Gamma Phi, humarap sa pagdinig

Courtesy: Senate of the Philippines | Facebook live

Iniimbestigahan na ngayon ng Senado ang pagkamatay sa hazing ng Adamson University student na si John Matthew Salilig.

Sa joint hearing ng Committees on Justice and Human Rights at Public Order and Dangerous Drugs, humarap ang pitong miyembro ng Tau Gamma Phi sa imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan na una na ring sumuko sa mga awtoridad.

Kabilang sa mga frat member na humarap sa imbestigasyon ng Senado ay sina Roi dela Cruz, ang neophyte member na kasabayan ni Salilig sa initiation at welcoming rites, si Tung Cheng Teng o alyas “Nike” na tinukoy na leader ng Tau Gamma Phi Adamson University Chapter at siya ring nag-drive ng Hyundai Tucson kung saan sakay noon ang wala ng buhay na si Salilig papuntang Imus, Cavite at si Daniel Perry na alyas “Sting” na siyang master initiator at kasama sa mga naghukay ng paglilibingan ng biktima.


Ayon kay Dela Cruz, kasabay niya si Salilig sa initiation at welcoming rites ng fraternity na ginawa sa isang frat house sa Biñan, Laguna.

Doon pa lamang aniya sa frat house ay masama na ang pakiramdam ni Salilig dahil ito ay nag-LBM hanggang sa dinala sila sa isang bahay ng frat member din ng isang alyas “Scottie” sa Parañaque sakay ng isang adventure para doon sana magpahinga.

Pagdating sa bahay sa Parañaque ay nagpaiwan umano sa sasakyan si Salilig at naabutan na lamang ni Dela Cruz na nagse-seizure na sa baba ng bahay ang biktima pero tumanggi umano sina alyas “Thugs” at “Bones” na dalhin sa ospital si Salilig dahil bawal daw ito na ganoon ang kalagayan.

Nagawa umano ni Dela Cruz na makauwi matapos magdahilan na nalo-locate na umano siya ng kanyang tatay at baka puntahan na sa bahay na pinagdalhan sa kanila sa Parañaque.

Iyon na rin aniya ang huling pagkakataon na nakita niya si Salilig na wala na umanong malay.

Inamin naman ng mga awtoridad na nalaman na lamang nila na may naganap na initiation rites ang Tau Gamma Phi nang tumawag sa kanila ang kapatid ng biktima na si John Michael Salilig para i-report ang kanyang kapatid na ilang araw nang nawawala.

Sa pagdinig, sinabi ni Committee on Justice Chairman Senator Francis Tolentino na malaki ang pagkukulang ng mga school authorities na gampanan ang kanilang ‘loco parentis’ sa paggabay, pag-iingat at pagtiyak sa ikabubuti ng mga estudyante tulad ni Salilig.

Dismayado ang mga senador dahil sa kabila ng batas laban sa hazing ay may mga ganitong kaso pa rin ng pananakit sa initiation rites ng fraternities, sororities at iba pang organisasyon na nauuwi sa pagkamatay ng ilang mga miyembro.

Facebook Comments