Sinimulan na ng Senate Committee on Public Services ang imbestigasyon sa tumaob na motorized banca sa Laguna Lake sa may bahagi ng Binangonan, Rizal na ikinasawi ng 27 katao kung saan sa umpisa pa lang ng pagdinig ay nagisa na ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Tiniyak ni Public Services Committee Chairman Senator Grace Poe na may mapapanagot sa insidenteng ito at batid niyang hindi lang iisang tao ang responsable sa nangyaring trahedya.
Sa pagdinig ay nagisa na ng mga senador ang mga tauhan ng PCG dahil sa magkakasalungat na pahayag.
Una rito ay inamin ni Binangonan Substation Commander CG PO2 Jay Rivera na pinirmahan lang niya ang manifesto ng MB Princess Aya at hindi niya pinuntahan ang motobanca para sana inspeksyunin.
Pero taliwas ito sa pahayag ni CG LTJG. Arjohn Elumba na pinuntahan ni Rivera ang bangka para i-check ang mga pasahero pagkatapos pirmahan ang manifesto.
Giit dito ni Senator Raffy Tulfo, sinungaling si Elumba dahil kung talagang ginawa ni Rivera na inspeksyunin ang bangka ay dapat nakita nito na overloaded na ng mga pasahero dagdag pa ang mga kargamento at sana’y napigilan ng PCG ang trahedya.
Dahil dito, inako naman ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu na mayroon talagang kapabayaan sa kanilang mga tauhan kaya sinisikap nilang gawin ang mga pagtatama at pagpapanagot sa naging pagkukulang.