Senado, inoobliga ang gobyerno na gawing puspusan pa ang panghihikayat sa publiko na magparehistro ng mga SIM

Kinalampag ni Senator Grace Poe na kailangang ‘all out’ ngayon ang gobyerno at ang mga telecommunications companies sa paghimok sa publiko na magparehistro ng kanilang SIM bago ang nakatakdang deadline bukas, April 26.

Kasabay nito ay mismong si Poe ay nakiisa na rin sa patuloy na panawagan sa publiko na irehistro na ang kanilang mga SIM para na rin sa ‘peace of mind’ at proteksyon ng mga subscribers mula sa iba’t ibang klase ng krimen.

Umapela rin si Poe sa pamahalaan at sa mga telco na palakasin ang kanilang infrastructures para makayanan ang inaasahang buhos ng mga maghahabol sa huling araw ng registration.


Bilang isa sa may-akda ng batas sa Mandatory SIM Registration, tiniyak na may sapat na safeguards ang batas na sisiguro na protektado at hindi maaabuso ang personal data ng mga mobile phone subscriber.

Ang ‘breach of confidentiality’ ay may katapat na multang kalahating milyong piso hanggang apat na milyong piso, habang ang mga gagamit ng false data sa registration, magbebenta ng nakaw na SIM at kokopya ng rehistradong SIM ay mahaharap sa kulong at multa.

Facebook Comments