
Senado, ipa-re-review ang regulasyon sa pagpapadala ng mga Filipino seafarer sa mga high-risk zones
Ipasisilip ni Senate Committee on Migrant Workers, Chairman Raffy Tulfo ang kasalukuyang regulasyon para sa pagpapadala ng mga Filipino seafarer sa mga high-risk zones o delikadong lugar.
Ito’y matapos kumpirmahin ng Department of Migrant Workers (DMW) na hawak pa rin ng grupong Houthi ang siyam sa nawawalang Filipino seafarer na lulan ng inatake at lumubog na MV Eternity C sa Red Sea.
Ayon kay Tulfo, maghahain siya ng resolusyon para marepaso at magbalangkas ng kinakailangang bagong polisiya at regulasyon tungkol sa pagpapadala ng mga Filipino seaman sa mga lugar na itinuturing na high-risk zones.
Kabilang sa mga tatalakayin ay kung dapat na bang magkaroon ng mandatory security assessment sa mga mapanganib na ruta at kung kinakailangang magpatupad ng total deployment ban sa mga lugar na may mataas na banta sa buhay at kaligtasan ng ating mga seafarer.
Kabilang sa mga itinuturing na High-Risk Area para sa mga seafarer ng International Bargaining Forum ay ang Red Sea at Gulf of Aden partikular na sa Bab-el-Mandeb strait na nagkokonekta sa Red Sea at Indian Ocean kung saan malakas ang puwersa ng mga rebeldeng Houthi ng Yemen.
Ang Gulf of Guinea sa Africa na mataas ang kaso ng piracy, armed robbery, at kidnapping at ang Black Sea na apektado dahil sa nangyayaring gyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Pinatitiyak din ng senador sa mga kaukulang ahensya ang kaligtasan ng mga seafarer at para sa kanya malaking bagay na makumpirmang buhay ang mga ito at makakauwi sa bansa sa lalong madaling panahon.









