Senado, ipasisilip ang posibleng wiretapping ng China sa isang opisyal ng AFP

Pinasisilip ni Senator Francis Tolentino sa Senado ang napaulat na “wiretapping” ng Chinese embassy sa isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Naunang inihayag ng China na mayroon silang recording at transcript ng umano’y telephone conversation ng isang Chinese official at AFP Western Command Chief Vice Admiral Alberto Carlos patungkol sa “new model” ng resupply mission sa Ayungin Shoal.

Inihain ni Tolentino ang Senate Resolution 1023 kung saan nakasaad na maituturing na krimen sakaling mapatunayan na wiretapping nga ang ginawa ng China.


Iginiit pa sa resolusyon na dapat humingi ng paumanhin ang gobyerno ng China sa Pilipinas at ipa-waive ang diplomatic immunity ng kanilang opisyal na sangkot dito para mapanagot sa ating batas.

Layon ng imbestigasyon na himukin ang pamahalaan na magsagawa ng full accounting ng ating mga critical infrastructures at tukuyin ang lawak ng panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.

Dagdag pa rito ay layunin din na marepaso ang Republic Act 4200 o ang Anti-Wiretapping Law at i-review ang protocol sa pagharap ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga foreign diplomats.

Facebook Comments