Senado, ipauubaya sa Kamara ang pag-iimbestiga sa alegasyong tumanggap ng suhol ang Comelec sa Miru systems para sa eleksyon

Ipinauubaya ni Senate President Chiz Escudero sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pag-iimbestiga tungkol sa alegasyon na tumanggap ng suhol mula sa South Korean firm na Miru systems si Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia.

Ang Miru systems ang kompanyang magbibigay ng automated technology para sa 2025 midterm elections.

Ayon kay Escudero, nagmula sa miyembro ng Kamara ang alegasyon at mas dapat na ang mababang kapulungan ang sisilip nito maliban na lamang kung mayroong miyembro ng Senado ang maghahain ng resolusyon para paimbestigahan ang isyu.


Mahalaga aniyang maunawaan na minsan ay mahirap at kumplikado kapag magkakasabay ang pagdinig sa parehong isyu dahil may mga pagkakataon na magkakaiba ang outcome o resulta.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na sa ngayon ay “tsimis” pa lamang na maituturing ang alegasyon kay Garcia at kailangan muna ng ebidensyang magpapatunay na tumanggap nga ito ng suhol.

Facebook Comments