Senado, ipina-cite in contempt ang isang police officer sa gitna ng pagdinig sa ₱6.7 billion drug haul noong nakaraang taon

Ipina-cite in contempt ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs si Capt. Jonathan Sosongco ng Philippine National Police and Drug Enforcement Group (PNP-DEG), isa sa mga pinakakasuhan ng PNP dahil sa tangkang pagtatakip kay Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr.

Ito ay matapos mapikon si Committee Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa, dahil tila pinaikot-ikot siya sa mga sagot ni Sosongco habang dinidinig ang kontrobersyal na pagkakakumpiska noong October 2022 sa ₱6.7 billion na halaga ng 990-kilogram ng shabu na nasa pag-iingat ni Mayo.

Inihayag ni Sosongco na hawak umano niya ang ‘informant’ pero nang busisiin ni Dela Rosa kung nasaan ang sinasabing informant at kung talagang hawak niya sinabi ni Sosongco na sa pamamagitan lang ng tawag sila nagkakausap nito.


Inamin din ng pulis na hindi niya kilala ang informant at pinagkakatiwalaan niya lang ito dahil ito ay nanggaling sa PNP-Intelligence and Foreign Liaison Division (IFLD).

Itinuro naman ni Sosongco si Staff Master Sgt. Jerrywin Rebosora na siya namang nagbigay sa kanya ng numero ng informant na kanyang nakakausap sa cellphone.

Pero, agad namang sinabi ni Rebosora na hindi ito totoo at wala siyang ibinibigay na number ng informant kay Sosongco.

Hiningi naman ni Dela Rosa kay Sosongco ang contact number ng kanyang informant pero hindi ito maibigay ng pulis dahil wala na ang number dahil iba na ang hawak niyang cellphone na gamit sa trabaho.

Hindi na nagustuhan ni Dela Rosa ang tila pagsisinungaling sa kanya at agad na ipinag-utos ang pagpapa-contempt kay Sosongco.

Samantala, personal na humarap sa pagdinig ng Senado si Mayo Jr., ang pulis na nakunan ng 990 kilos ng iligal na droga noong nakaraang taon.

Itinanggi ni Mayo na siya ang bagman ng ibang mga police officer na sabit sa iligal na droga pero hindi na ito sumagot sa iba pang katanungan kaugnay sa isyu.

Facebook Comments