Senado, ipinaaaral muna sa legal team ang subpoena na inisyu ng Committee on Foreign Relations

Ipinag-utos ni Senate President Chiz Escudero na aralin muna ng Senate legal team ang dalawang naunang subpoena ng Senate Committee on Foreign Relations na pinaiisyu laban kina Philippine Air Force Commanding General Lt.Gen. Arthur Cordura at National Prosecution Service Prosecutor General Richard Anthony Fadullon.

Ang mga ito ay ipina-subpoena ng Komite matapos hindi dumalo sa naunang pagdinig patungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kinumpirma ni Escudero na bago pa man ang liham ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi na dadalo ang mga cabinet at executive officials dahil sa paggiit ng executive privilege, nalagdaan niya na ang subpoena sa dalawa.


Ayon kay Escudero, imbes na sa Office of Senate Sergeant-at-Arms niya ipadala ang subpoena ay isinumite niya ito sa legal ng Senado para mapag-aralan ang epekto ng pag-invoke ng executive privilege sa subpoena na napirmahan niya na.

Tinukoy ng Senate president ang mga kaso ng Ermita case at Neri case kung saan sinasabi ng Korte Suprema na mayroong kapangyarihan ang ehekutibo na igiit ang executive privilege hindi lamang sa pagsagot sa mga tanong kundi pati na rin sa hindi pagdalo sa mga pagdinig ng Kongreso.

Samantala, umaasa naman si Senator Imee Marcos na lalagdaan ni Escudero ang subpoena para sa mga cabinet at executive officials na hindi dumalo sa pagdinig tungkol sa pag-aresto kay FPRRD.

Facebook Comments