Bago matapos ang taong 2022, ibinida ng liderato ng Senado ang mga accomplishments sa unang bahagi ng 19th Congress.
Giniit ni Senate President Juan Miguel Zubiri, naging produktibo ang mataas na kapulungan.
Mula nang magbukas ang first regular session ng 19th Congress noong July 25 hanggang nitong December 14 ay umabot na sa 1,610 na panukalang batas at 388 na resolusyon ang naihain ng mga senador.
Sa lahat aniya ng mga panukalang batas at legislative measures na inaksyunan ng Senado ay pinakamahalaga ang 2023 General Appropriations Act (GAA) o ang 5.268 trillion pesos national budget ng bansa para sa susunod na taon.
Kabilang pa sa mga batas na matagumpay na naipasa ay ang SIM Registration Act o RA 11934 at ang batas sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa October 2023 o RA 11935.
Umabot naman sa 38 resolutions ang napagtibay ng Senado kabilang na ang pagtatatag ng Oversight Committee on Intelligence and Confidential Funds, resolusyon nagpapahayag ng pagtutol laban sa patuloy na pangha-harass ng China sa West Philippine Sea (WPS) at ang concurrent resolution tungkol sa pagtatatag Philippine Congress-Bangsamoro Parliament Forum.
Inaprubahan din ang isang concurrent resolution na sumusuporta sa 2022-2028 Medium Term Fiscal Framework na isinusulong ng Marcos administration.
Sa muling pagbubukas ng sesyon sa January 23, 2023 ay tiniyak ni Zubiri na patuloy na isusulong ng mataas na kapulungan ang mga makabuluhang pagbabago na pro-protekta at tutulong sa mga mahihirap na Pilipino.