Ipinapaprayoridad ni Senator Imee Marcos sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang mga pinakanangangailangan na senior citizen na mabigyan ng social pension.
Ito’y matapos sabihin ng senadora na malabo pala sa ngayon na mabigyan ng P1,000 social pension sa 2023 ang lahat ng 4 na milyong mahihirap na mga senior citizen dahil sa kakulangan sa pondo.
Bukod dito, mayroon pang 600,000 seniors ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang social pension na hahanapan ng Kongreso ng pondo.
Bunsod nito ay hiniling ng senadora na makipag-ugnayan ang Commission sa Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa Budget Department para mahanap ang mga pinakamahihirap at lubos na nangangailangan na mga senior citizen.
Sa budget hearing, sinabi ni NCSC Chairman Franklin Quijano na hindi nila naisama sa latag ng 2023 budget ng tanggapan ang dagdag na P500 social pension para maging P1,000 kada buwan ang pinansyal na tulong sa mga mahihirap na matatanda sa bansa.
Paliwanag ni Quijano, Hulyo naisabatas ang dagdag na social pension pero ang binalangkas na budget ay Mayo pa nagawa kaya hindi naisama ang dagdag sana na ayuda sa mga indigent senior citizens sa susunod na taon.