Hiniling ni Senator Jinggoy Estrada na magsagawa ang Commission on Audit (COA) ng ‘special audit’ sa mga pinapaburang suppliers ng Department of Education (DepEd).
Nagpadala ng liham si Estrada kay COA Chairperson Jose Calida sa pamamagitan ni DepEd Supervising Auditor Job Aguirre Jr., nitong October 3, kung saan nakasaad na ipinapasilip ng senador sa mga state auditors ang limang “favored suppliers” ng DepEd na palaging nakakuha ng bilyon-bilyong pisong IT contracts sa ahensya mula pa noong 2013.
Kabilang sa mga kompanyang ipinapasailalim sa inspeksyon ng COA ang Advance Solutions Inc. (ASI), Columbia Technologies Inc., Reddot Imaging Philippines Inc., Techguru Inc., at Girl Tekki Inc.
Mababatid na binusisi ni Estrada ang mga nasabing kompanya sa nakaraang pagdinig ng Senado tungkol sa mga biniling overpriced na laptops ng DepEd sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Partikular ding tinukoy ni Estrada ang kaduda-duda at madalas na pag-award ng kontrata sa ASI na ang deals sa pagitan nito at ng DepEd ay umabot na ng halos sa ₱6 billion.
Mababatid na itinanggi naman ng ASI na palagi silang pinapaburan ng DepEd at ang mga pinasok na kontrata mula 2013 na aabot sa halos ₱6 billion ay dumaan umano sa bidding process.